Pananampalataya, Paniniwala, at Pagtitiwala

Pananampalataya - ito ang kasingkahulugan ng salitang "faith" kung pagbabasehan ang relihiyon. Kung sumasampalataya ka sa Diyos, faithful ka. Pero ano nga din ba ang kahulugan ng pananampalataya?

Madaming pwedeng sambahin ang tao. Iba't ibang diyos para sa kanilang iba't ibang bisyo, hilig, o nais. Merong diyos na pera, diyos na damo, diyos na bato, diyos na alak, diyos na laro, diyos na website, diyos na chicks, diyos na macho, diyos na emosyon, diyos na hayop, diyos na kahayupan at tawag ng laman at kung anu-ano pang diyos-diyosan na ngayo'y naglipana sa sanlibutan. Iilan lamang ito sa mga bagay, hayop, tao, at emosyon na ngayon ay hinahanap-hanap na ng sangkatauhan. Ito ang kanilang nais... ang kanilang pinaniniwalaan... ang kanilang pinagkakatiwalaan sa buhay... ang kanilang sinasampalataya.

Mahirap bigyan ng kahulugan ang pananampalataya pero mas madaling malaman ang kahulugan nito kung alam natin ang epekto nito.

Isipin mo ang mga taong lulong sa droga sa lugar niyo. Ano ba ang kanilang turing sa droga? Naniniwala silang ito ang siyang magbibigay ng lakas, ng saya at ligaya, ng kakaibang tama. Ito ang kanilang pinagkakatiwalaan upang magtawid sa kanila sa marupok na tulay ng buhay. Ito ang kanilang pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan na magkontrol sa kanilang katawan, kilos at galaw, at magdikta sa patutunguhan nila sa buhay.

Paniniwala at pagtitiwala -- ito ang dalawang elemento na na siyang pinakamakapagbibigay kahulugan sa salitang "pananampalataya." Kung naniniwala ka at nagtitiwala ka sa isang bagay, maaari nang sabihing may pananampalataya ka dito.

Pero sapat na ba ang kahulugang ito para sa pananampalataya?

Kung relihiyon ang pag-uusapan, iisa lang tunay na pananampalataya -- ang pananampalataya sa tunay na Diyos. Ang Diyos na may likha ng langit at lupa, ng mga bituin sa kalangitan, ng buong kalawakan. Ang Diyos na siyang nagbigay ng buhay sa iyo, sa kanya, sa akin, at sa ating lahat.


Paniniwala.

Kung ang adik ay naniniwala sa magandang epekto ng droga sa buhay nila, ang tunay na nananalig sa Diyos ay may paniniwala din sa Kanya. Pero 'di ito isang simpleng paniniwala. Ito ang tipo ng paniniwala na nabubuo nakita mo man Siya o hindi.

Marahil ay magtatanong ka:"Paano mapapaniwalaan ang isang bagay na 'di naman nakikita, nahahawakan, naamoy, naririnig, o nararamdaman man lang?"

Oo. Mahirap nga naman talagang paniwalaan ang isang bagay na 'di nakikita, nahahawakan, naamoy, naririnig, o nararamdaman man lang. Pero kung tatanungin kita kung naniniwala ka bang may utak ka, ano kaya ang isasagot mo? Malamang "Oo." Pero 'di ba't 'di mo rin naman ito nakikita, nahahawakan, naamoy, naririnig, o nararamdaman man lang?

Maaari mo na namang sabihing "E madami namang pruweba ang siyentipiko noon pa man na may utak ang tao, syempre maniniwala talaga ako."

Kung pruweba ang hanap mo, sa korte ang mga witness ay sapat nang pruweba sa isang pangyayari. At sasabihin ko sa'yo, 'di lamang isa kun'di 'di mabibilang na dami ng tao na ang saksi na merong Diyos na gumagabay sa atin -- isang Diyos na magpamahal at maalaga at naniniwala din sa iyo at sa akin. Kung gusto mo naman ng isang bagay bilang ebidensya nga -- pumunta ka sa isang bookstore, magdala ka ng pera, lumapit ka sa saleslady at tanungin mo kung meron ba silang "Bibliya." Basahin mo araw-araw kahit pakonti-konti lamang ang librong iyan at meron ka nang ebidensya patungkol sa Kanya.


Pagtitiwala.

Kung ang adik ay nagtitiwala sa droga upang kumontrol sa kanilang katawan, pag-iisip, kilos, at galaw -- ganoon rin ang tunay na pananampalataya sa Diyos.

Ang tunay na pananalig sa Diyos ay ang pagtitiwala sa Kanya sa kung ano man ang maaaring mangyari sa buhay mo. Alam ng Diyos ang lahat -- ang kahapon, ngayon, at bukas. Alam niya kung ano ang maganda at ano ang hindi. Alam niya ang makapagpapasaya sa'yo at maghahatid ng lungkot. At ang tunay na pagtitiwala sa Kanya, ay ang pagtitiwala na alam Niya ang pinakanakabubuti para sa iyo at ito rin ang ibibigay Niya sa iyo.


Ang tunay pananampalataya ang nangangailangan ng tunay na paniniwala at pagtitiwala. Paniniwala kahit na nakikita mo o hindi nakikita. At pagtitiwala -- pagtitiwala sa Diyos na kailanma'y 'di ka Niya pababayaan o iiwan.

0 comments:

Post a Comment